Dug-dug...Dug-dug....Dug-dug....!
Sabi ng puso ko. Naisip kong hindi kaya nagsisikip na ang mga ugat ko dahil sa lakas ng pagbomba ng puso.
Nagmamadaling higupin at itapon ang dugong nagdaraan sa tubo tungo sa kanya.
Naninigas ang tiyan ko sa kaba. Ang sakit...
Bawat dinig ko sa "Ate.. Ate...!" kinakabahan ako, ang naiisip ko "madidisgrasya kame" o "may mali akong nagawa".
Simulan natin sa umpisa....
Huwebes, ika-13 ng Pebrero nang umangkas ako sa kapatid ko sa motor niyang Mio na kulay Violet.
Tinanong ako ng kapatid ko na sumunod sa akin "Ate, ikaw ang magda-drive?"
Natawa ako at sumagot ng "Oo pag-uwi."
Hindi ko inisip na seryoso s'ya sa usapang 'yun kaya nang pahintuin n'ya ang motor sa labasan ng Mandarin Homes sa Gen. Mariano Alvarez Cavite ay nagtaka ako.
Ako na pala ang magda-drive.
Itinuro n'ya sa akin kung saan ang break, ang start, ang buttons ng ilaw, ang busina at kung anu-ano pa na hindi na rumihistro pa sa utak ko.
Masyadong mabilis ang mga pangyayari namalayan ko na lang na ako na ang may hawak ng manibela at nagbalik sa ulirat ng nagsalita ang kapatid ko ng "Break-break din ate kapag may time". Napadaan na pala kami sa humps ng hindi ako pumipreno.
Natanong ko ang sarili ko, "Asan na nga pala ang preno?"
"Piiiiiiiiittt!!!" Isang mahabang busina ang isinigaw ni Sunday (pangalan ng Mio ni Ace).
"Ay mali pala, busina pala 'yun. Asan na nga ba ang preno?"
"Ayun! Bumagal na ang andar, 'etong dalawang parang tenga lang pala ang preno".
Excited akong mag-drive, kaya kahit na tipong delikado ang daan walang kaaba-abala akong nakalampas sa mga pamatay na daan.
Kung pamilyar kayo sa daan ng Sunshine Homes hanggang sa baba ng L.R.T., nakakapanindig balahibong isiping naka-survive ako duon.
Parang isang ekspertong nagmamaneho, pakiramdam ko lumilipad ako. Magaan sa pakiramdam. Ganito pala ang pakiramdam ng nagmamaneho.
Matapos ang mahabang daan paakyat ng pihitin ko ang manibela pakaliwa, bakit parang pabagsak kame...
"O Ate!" Ang naalarmang tawag ng kapatid ko sa akin.
'Yun ang nagsabing mali na nga ang ginagawa ko.
"Anong nangyari 'te?" tanong n'ya.
"Hindi ko alam, nililiko ko lang," ang nagtatakang sagot ko.
Balik sa driving, pero...
"O Ate! Ate!"
Ganoon na naman ang nangyari, tumatakbo ang motor pero pabagsak kame sa kaliwa.
Itinukod ko ang kaliwang paa ko para hindi kami tuluyang bumagsak, pero isang malagim na katotohanang... nalimutan ko kung aling parte ng motor ang BREAK.....
Hindi ko naramdaman ang sakit sa paa ko dahil okupado ang isip ko sa kung paano ko mapapaliko ang motor para hindi kami mapunta sa kabilang lane.
Nang maramdaman kong nagpa-panic na s'ya tsaka ko naisip na delikado 'yung ginawa ko.
Naging maagap ang kamay n'ya sa paghawak sa manibela at pisilin ang break.
"'Te anong nangyari? Masakit ba? OK naman kanina, bakit nagkaganun?"
"Hindi ko alam, nililiko ko lang tapos ganun na," nagtatakang sagot ko sa kanya.
Tsaka s'ya may naisip na dahilan kung bakit nagkaganon, "bigla mo lang niliko 'yung manibela 'no?"
Hindi ko magawang sumagot dahil sa pagtataka kaya tumango na lang ako bilang pagsang-ayon.
"Dapat kapag liliko ka hindi mo biglang kakabigin ang manibela, isasabay mo din 'yung katawan mo parang nagsasayaw," sabay muwestra n'ya kung paano gawin.
Nakaramdam ako bigla ng takot.. hindi para sa'ken kundi para sa kanya dahil angkas ko s'ya at ang damdaming lalong nagtataka na bakit sa mga pababa at pataas ng kurbada nagawa ko, bakit sa patag na kurba nagkaganon.
Nawala na ako sa composure at hindi na ako confident na makakapag-drive ng maayos lalo na at malapit na kame kung saan maraming tao kaya s'ya na ang pinag-drive ko.
Nakakatawang nakakamangha 'yung naranasan ko. Hindi ako makapaniwalang ganuon kahaba ang na-drive ko at ganun kadelikado para sa first timer. Sa tanang buhay ko ngayon lang ako nakapag-drive ng motor. Recently, lang din ako natutong umangkas sa motor dahil sa laki ng takot ko sa sasakyang ito.
Kaya nuong Linggo, February 16, hapon 'yun mga bandang alas cuatro niyaya ko ang bunso naming kapatid na turuan ako mag-drive dahil wala 'yung sumunod sa akin. Mula sa bahay hanggang sa malapit sa Splash Island ay s'ya ang nag-drive.
Pero sa pagtataka ko, hindi ko magawang ma-excite. Kaba ang bumabayo sa dibdib ko.
Lalo na sa tuwing maririnig ko ang tawag na "Ate! Ate!"
20kph lang ang takbo namin, at sa bagal ng takbo ay tila maa-out of balance ako.
Nagsimula din akong tunawin ng takot ng malapit na sa pakurba...
Naaalala ko kung asan ang break pero dahil sa tuwing babanggitin ang salitang "Ate" nangangatog ako.
Pakiramdam ko madidisgrasya kame.
Nang businahan kame ng isang puting Tamaraw FX ay hindi ako nasindak, pero ng mag-over take s'ya at dumaan sa gilid namin papunta sa harapan ay duon nangatog na naman ang tuhod ko. Hindi ko matantya ang layo, pakiramdam ko babangga kame, at narinig ko ang mga salitang, "Ate, dahan-dahan, break..."
Tsaka ko naalalang may break nga pala.
Nang magawa kong makaikot sa isang block tinigilan ko na, pakiramdam ko mamatay ako hindi sa disgrasya kundi sa kaba.
Nawala 'yung momentum ko at nadaig ng takot.
Kaya niyaya ko na lang s'ya sa pinakamalapit na fastfood sa Splash Island.
Idinaan ko na lang sa kain.
Naisip ko na dapat kong matutunan ang mga sumusunod kung gusto kong maggala gamit ang motor:
1. Gumamit ng break
2. Kumalma
3. Marahang pagpisil sa silinyador
4. Magmaneho ng mabagal
Napakarami kong dapat matutunan...
Sa ngayon... parang hinahanap-hanap ko 'yung pagmamaneho.
Hinahanap-hanap ko kahit na hindi ako sigurado kung hindi na ako dadagain.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento